"Isa kang Batang 90's kung alam mong ginawaan ni Weird Al ng parodya ang Teen Spirit nila Cobain."
Sa mundo ng musika, mayroong mga nilalang na ipinanganak na may talento sa paggawa ng mga awitin. Ang iba naman ay biniyayaan ng kakayanang manggaya ng mga kanta sa pamamarang "OA" upang maging nakakatawa. Parody. Dito nakilala ang Kanong si ALFRED MATTHEW "WEIRD AL" YANKOVIC.
Ang totoo, Dekada Otsenta siya unang narinig ng madla sa kanyang hit single na "Eat It", isang parodya ng "Beat It" ni Michael Jackson. Simula noon ay naging kakambal na ng kanyang pangalan ang pagpapatawa sa pamamagitan ng pagbabago ng mga lyrics at panggagaya ng mga music videos ng mga sumikat na kanta. Sa ngayon, nakagawa na siya ng labing-tatlong albums na naglalaman ng humigit sa 150 pinagsamang parodies at orihinal na mga kanta.